Ano ang Tamang Loan Para sa ‘Yo: Galing sa Banko, Gobyerno, Pribadong Lender, o Financing Companies?

Alamin ang pagkakaiba ng loans mula sa Banko, Gobyerno, Pribadong Lender, or Financing Companies para sa tamang desisyong financial.

Kailangan mo ba ng dagdag pondo para sa negosyo? O kaya may financial emergency na hindi mo napaglaanan ng ipon o napaghandaan. O di kaya’y handa ka nang mag-invest sa sasakyan o bahay. Kung ano man ang dahilan, may mga sitwasyon talaga na kakambal na ang pagkuha ng loan o pag-utang mula sa banko, financing companies, o iba pang uri ng nagpapautang o lender.

Walang masama sa pangungutang. Kasama ito sa maraming financial transactions na kakailanganin mo para sa maayos na pamumuhay, kabilang na ang home loan o ang vehicle loan. Ang masama ay ang pagkuha ng loan ng basta-basta, ng walang pagsusuri o matalinong pagpapasya. Masama ito dahil maaari kang maging target ng loan sharks o iyong mga nagpapautang ng may hindi patas na interest. Bago magpasyang kumuha ng loan, tiyaking alam mo ang proseso sa pagkuha nito, pati na ang interest rates at iba pang kaukulang bayad.

May iba’t ibang klase ng lender ka ring puwedeng pagpilian, depende sa ‘yong sitwasyong pampinansyal at pangangailangn. Inilista namin ang karaniwang klase ng lenders na puwede mong matakbuhan:

Gobyerno

Maaari kang mag-apply ng Salary Loan mula sa Social Security System (SSS) kung ikaw ay miyembro o regular na nagko-contribute mula sa iyong sahod o kita. Sila ang may pinakamaliit na interest rate na pumapatak sa 10% sa isang taon o .83% buwan-buwan. Ang limitasyon lang ng SSS loan ay ang payment terms (24 buwan) at ang halaga na puwede mong mahiram (2 beses ng iyong buwanang sahod o kita). Halimbawa, kung kumikita ka ng P25,000 bawat buwan, maaari kang umutang ng hanggang P50,000, na may total na interest na P5,000 at buwanang bayad na P4,583.33. Maaaring mag-apply sa pinakamalapit na branch ng SSS, basahin lang ang mga requirements.

Banko

Kung mayroon kang magandang financial history o track record, at malaki ang halagang balak mong utangin, ito ang pinakamainam mong mauutangan.  Ang interest rate ng mga banko para sa personal loans ay naglalaro sa 1.2% to 1.5% bawat buwan. Pumapatak naman sa 12 hanggang 36 months ang kanilang payment terms. Ibig sabihin, kung balak mong umutang ng ng P50,000 na may payment term na 12 buwan at interest na 1.5%, ang iyong total na interest ay P9,000 at ang iyong buwanang bayad ay P4,916. Ang kaso, mahigpit ang requirements at criteria ng mga banko kaya kung mayroon kang kaso ng hindi nabayarang utang o bills, malaki ang posibilidad na ma-reject ang iyong loan application.

Financing Companies

Kung hindi pasado sa loan criteria o requirements ng SSS o mga banko, maaari mong ikonsidera mag-apply ng loan sa financing companies. Ang financing companies ay mga kumpanya na rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) at ang pangunahing linya ng negosyo ay pagpapautang ng may katumbas na interes. Dahil mas maluwag ang mga financing companies pagdating sa batayan ng kung sino ang puwede nitong pautangin, mas malaki ang tsansa na hindi ito mabayaran. Dahil dito, mas malaki ang buwanang interest na pinapataw ng mga financing companies, na naglalaro mula 2% hanggang 4% para sa personal loans. Sa P50,000 na iyong hihiramin na may 2% interest at payment terms na 12 buwan, ang kabuuang halaga ng iyong interest ay P12,00, at ang iyong buwanang bayad ay P5,166.

Pribadong Lender

May dalawang uri ang pribadong lender: una, ang iyong kapamilya, kaibigan, o kakilala na handa kang pautangin ng walang kapalit na interes. Ito na siguro ang pinakamagandang pagmumulan ng iyong hihiraming pera. Tiyakin lamang na bayaran ang utang sa nagpagkasunduang panahon, para maiwasan ang away o di-pagkakaunawaan.

Ang ikalawang uri ay ang indibidwal or grupo nagpapautang kapalit ang tubong interest ng walang pahintulot sa gobyerno o rehistro galing sa SEC. Marami sa ganitong klase ng pribadong nagpapautang ang matatawag na “loan shark”, o iyong nagpapautang ng may hindi patas o makataong interest. Maaaring magpataw ang pribadong lender ng 20% interest sa loob ng isang buwan. Kung umutang ka ng P50,000 at hindi ito mabayaran sa loob ng limang buwan, maaaring lumobo ang iyong utang sa doble o P100,000.

Interesadong Mag-Apply ng Loan sa Banko o Financing Companies?

Tiyakin na araling mabuti ang iba’t ibang requirements at loan offers para makasigurong makakuha ng mababang interest na loan na angkop sa iyo. Maaari ring bumisita sa website ng Loansolutions, ang #1 na Loans Marketplace sa Pilipinas. Isa itong palengke ng mga pautang kung saan maaari kang magkumpara at mamili ng iba’t ibang loan offers. Galit kami sa mapagsamantalang pagpapautang kaya naman mga lehitimong loans lang ang iyong mahahanap sa aming website.

Gusto kong ng loan mula sa mga banko at financing companies

 

Written by Kash Avena

Kash has been with Loansolutions.ph in marketing and business development roles since 2014. Now based overseas, she is happy purveyor of financial literacy for OFWs and their families.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *